History of Barangay Sabang

Noong unang panahon hindi pa man dumarating ang kastila sa Pilipinas ang barangay Sabang bagamat wala pa itong pangalan ay isa ng munting pamayanan. Noon ay apat na pamilya lamang ang nakatira sa nasasakupan nito.

Ang hanapbuhay nila dito ay magtanim ng niyog, mais, kamote at mga gulay. At kung minsan ay nangingisda din sila sa baybaying dagat nito. Anupat lumipas ang mga taon na sila ay patuloy na namuhay ng tahimik. Hanggang sa lumaki ang kanilang mga supling at naging binata at dalaga. Ang kanilang mga itinanim ay lumawak narin. Kaya ang kanilang mga ina-ani ay dinadala sa bayan upang doon ay ipalit ng iba pa nilang magagamit. Ang kanilang sinasakyan mula dito ay tinatawag nilang paraw o bangka.

Hanggang sa isang araw ay may dumayo ritong mangangalakal o negosyante na nanggaling sa kabilang ibayo o Batangas. Sila ay sakay ng maliit na bangka na may layag na kung tawagin nila ay doon-doon o kurikan. Ang lulan nito ay isang may edad na lalaki at dalawang binata. Ang may edad na lalaki ay siya umanong mangangalakal at ang dalawang binata ay anak at katulong nito. Palibhasay sagana sila sa mga prutas at mga gulay ay naganyak silang ipagbili ang mga ito sa dayuhang mangangalakal (o negosyante). Nagbibili rin sila ng mga pinatuyong isda na kung tawagin nila ay bislad (o daing).

Anupat nagdaan ang mga araw at nawili na rin sila sa pamamalitat pamimili ang mag-aamang negosyante. Hanggang sa dumating ang pagkakataong umibig ang binata sa dalagang nayon at itinakda nila ang pag-iisang dibdib ng daalawa. Nagkaroon muna ng salo-salo at bayli o sayawan. At habang ang bawat isa ay nagsasaya nagkaroon ng ambagan o bigayan ng mapapakinabangan ng bagong mag-asawa. Sa gayong pagkakataon ay labis na ngtaka ang ama ng binata (negosyante) kaya naitanong niya sa ama ng dalaga kung ano ang ibig sabihin ng pag-aambagan nila sa bagong pag-iisang dibdib ng dalawa.

Sa gayong pagkakataon ay nag-isip ang ama ng dalaga na naisip niya na sabay-sabay mag-ambagan ang mga dumalo dito. Kaya nasabi niya sa ama ng binata na “sabangan” ang ibig sabihin nito.
Kaya mula noon hanggang sa dumating ang mga dayuhan sa Pilipinas ay hindi na nalimutan ng mga nanirahan dito ang katagang sabang na nagmula sa ambagan o sabangan.